
Nahaharap sa posibleng pagkaantala o tuluyang pagbabasura ang ethics complaint laban kay Senador Ronald Dela Rosa dahil sa kakulangan ng malinaw na probisyon sa Senate rules.
Ayon kay Senador JV Ejercito, chairman ng Senate Ethics Committee, walang sapat na batayan sa kasalukuyang patakaran upang dinggin ang reklamo, lalo na sa usapin ng pananagutan sa pagliban sa sesyon.
Dahil dito, hindi agad maisusulong ang pagdinig maliban kung maaamyendahan ang mga umiiral na tuntunin ng Senado.
Iminungkahi ni Ejercito na isama sa mga posibleng amyenda ang probisyong no work, no pay upang magkaroon ng malinaw na gabay sa mga ganitong kaso.
Inihain ang reklamo noong Pebrero 25, 2026 ng grupong Wag Kang KuCorrupt, na kumukuwestiyon sa umano’y patuloy na pagliban ni Dela Rosa at kabiguan nitong gampanan ang tungkulin bilang mambabatas.
Sa ngayon, nananatiling nakaantabay ang reklamo habang hinihintay ang posibleng pag-amyenda sa Senate rules na magbibigay-daan sa pormal na pagtalakay sa kaso.










