Lumabas sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na 50% o katumbas ng 14.2 milyong pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay mahirap.

Tumaas ito ng isang puntos mula sa 49% o 13.7 milyong pamilya noong Hunyo 2025.

Ayon sa SWS, ang pagtaas ng bilang ng mga nagsabing mahirap ay bunsod ng pagdami ng mahihirap sa Metro Manila at Balance Luzon, habang bumaba naman ito sa Visayas at nanatiling pareho sa Mindanao.

Sa mga pamilyang nagsabing mahirap, 36% ang matagal nang nasa kahirapan, 8.7% ang dati nang hindi mahirap ngunit mahigit limang taon na ang nakalipas, at 5.7% ang bagong mahirap sa loob ng isa hanggang apat na taon.

Umabot naman sa 12% ang nagsabing sila ay “borderline poor,” mas mataas kaysa sa 10% noong Hunyo. Samantala, bumaba sa 38% mula 41% ang mga pamilyang nagsabing hindi sila mahirap.

-- ADVERTISEMENT --

Sa usapin ng pagkain, 41% ng mga pamilya ang nagsabing sila ay “food poor,” 11% ang nasa “food borderline,” at 47% ang nagsabing hindi sila “food poor.”

Batay sa survey, nananatili ang karaniwang buwanang gastos ng mga pamilya sa P3,000 para sa upa sa bahay at P2,000 para sa pamasahe. Tumaas naman ang gastos sa internet mula P800 at sa load ng cellphone mula P300.

Isinagawa ang survey sa 1,500 adult respondents sa buong bansa mula Setyembre 24 hanggang 30, 2025, gamit ang harapang panayam. Mayroon itong sampling error margin na ±3% sa pambansang antas.