TUGUEGARAO CITY- Naglaan ng halagang P500,000 bilang reward money ang hindi na tinukoy na “concerned citizen” sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon sa gunmen na pumatay sa isang negosyante sa bayan ng Tuao, Cagayan.

Layunin ng pagbibigay ng kalahating milyong pabuya na maging mabilis ang takbo ng imbestigasyon at pagresolba ng kaso sa pagpatay kay Nick Gannaban, 52-anyos at residente ng Brgy. Bagumbayan.

Ayon kay P/Col. Renell Sabaldica, director ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO), dead-on-arrival sa ospital ang biktima nang pagbabarilin siya habang nakaupo sa harapan mismo ng kanyang tindahan sa Brgy. Centro 2 nitong Lunes, November 15, pasado 8:00 ng umaga.

Sa inisyal na report ng Tuao Police Station, dalawang kalalakihan na nakasuot ng helmet at facemask ang sangkot sa pamamaril na sakay ng isang itim na motorsiklo.

-- ADVERTISEMENT --

Narekober sa crime scene ang tatlong tatlong spent shell ng cal.45 at 1 deformed slug.

Nabatid na si Nick ay kapatid ng mga naunang pinaslang nitong mga nakaraang taon na sina Brgy Chairman Orlino Gannaban at Fredo Gannaban.

Nanawagan si Sabaldica sa mga nakakita sa krimen na makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng mga pulis upang agad na matukoy at madakip ang mga salarin.

Ipinag-utos rin ng opisyal ang mahigpit na pagbabantay sa mga checkpoint sa Tuao para matiyak na hindi na mauulit ang nasabing insidente.