Ipinasakamay kahapon sa kapatid ang kalansay ng miyembro ng New People’s Army na namatay at inilibing sa Maconacon, Isabela noong 2022.
Sinabi ni Lt Col Melvin Asuncion, chief ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Dvision, Philippine Army na mismong ang kapatid ni Ka Dondon ang pumunta sa Brgy. Canadam, Maconacon, kung saan galing pa siya sa Makilala, North Cotabato.
Ayon kay Asuncion, kinilala si Ka Dondon ng isa niyang dating kasamahan sa kilusan na sumuko sa pamahalaan.
Sinabi niya na kasama si Ka Dondon sa walong namatay at inilibing sa kabundukan ng Brgy. Canadam dahil sa gutom, sakit, at pagod matapos ang isinagawang pinalakas na operasyon ng militar sa Maconacon.
Kaugnay nito, sinabi ni Asuncion na anim pa ang hindi pa kinikilala at kinukuha ng kanilang mga kaanak, kung saan unang kinuha ang mga labi ni Ka Ryan noong September 2024 at inuwi sa Cavite.
Sinabi ni Asuncion na si Ka Dondon at iba pang inilibing sa nasabing lugar ay kasapi ng Rosario Kanlubas Command sa ilalim ng pamamahala ni Ka Yuni sa ilalim ng Komiteng Rehiyong Cagayan Valley na nabuwag na.