Hinikayat ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano ang mamamayan na magkaisa upang labanan ang korapsyon at maling aktibidad sa lungsod.
Sa kanyang mensahe sa ika-121 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan, inihayag ng punong ehekutibo ang mga nagawa ng kanyang administrasyon upang labanan ang korapsiyon, kahirapaan, droga at marami pang iba.
Binigyang diin ni Soriano ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mamamayan upang mapalaya ang bawat isa sa pagka-gutom at pangamba.
Hiniling naman ni Purita Licas, Regional Director ng Philippine Information Agency (PIA) RO2 ang publiko na maging daan para masolusyonan ang mga problemang kinakaharap ng bansa.
Kasabay ng pag-usbong ng teknolohiya, hinimok ni Licas ang bawat isa na makipagtulungan at magbigay ng kontribusyon para sa ikakaunlad ng ating bansa at makamit ang tunay na kalayaan.
Inalala din ni Licas ang hindi matatawarang papel ng mga bayani sa kasaysayan para sa kalayaan ng bansa.
Una rito, pinangunahan ng PIA, katuwang ang LGU-Tuguegarao ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa pag-aalay ng bulaklak sa Heroes’ Monument sa lungsod ng Tuguegarao.