Dalawa lamang ang naitalang firecracker related injuries sa lalawigan ng Kalinga sa buong holiday season na nagsimula noong Dec 21, 2019.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCol. Job Russel Balaquit ng Kalinga Provincial Police Office na hanggang Enero 5, 2020 kung saan natapos ang pagbibilang ay dalawa lamang ang naitalang nasugatan dahil sa paputok sa Kalinga.

Ayon kay Balaquit, kapwa nagtamo ng minor injuries ang dalawang babaeng bikitma na nasa edad 20 at 25 taon na mula sa bayan ng Tanudan at Tabuk City.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi man naging zero incident, naniniwala ang PNP na ang mababang biktima ng paputok ngayong bagong taon ay resulta ng pagbabawal ng pagtitinda ng paputok sa ilang mga bayan at ang mahigpit na kampanya laban sa mga mga paputok.

Samanatala, tanging sa lalawigan ng Apayao at Ifugao ang zero o walang naitalang nabiktima ng paputok sa pagsalubong sa 2020 sa Cordillera Region.

Ayon kay Jerson Sebastian, tagapagsalita ng Apayao Provincial Government na ito ay dahil sa maagap na pagbibigay ng paalala sa mga residente na iwasan ang paggamit ng malalakas na paputok at mahigpit na ipinagbabawal ang magpaputok.