TUGUEGARAO CITY-Nasa 14 na Patients Under Investigation (PUI) at 595 na Persons Under Monitoring (PUM) ang minomonitor sa probinsiya ng Kalinga dahil sa coronavirus disease o covid-19.
Ayon kay Dionica Alyssa Mercado, tagapagsalita ng Provincial Government ng kalinga, hinihintay na lamang ang resulta ng nakuhang specimen sa mga PUI.
Mahigpit din aniya ang monitoring ng mga Barangay officials sa mga naitalang PUM na kasalukuyang naka home quarantine sa kanilang nasasakupang lugar.
Kaugnay nito, sinabi ni Mercado na naglatag na rin sila ng checkpoint sa mga entry at exit point ng probinsiya para masigurado na dadaan sa pagsusuri ang mga papasok sa lugar.
Naghigpit na rin umano ang kanilang mga ospital sa lugar kung saan isang bantay lamang ang kanilang pinapayagan sa isang pasyente para makaiwas sa naturang virus.
Maging ang curfew hours ay kanila na rin ipinatupad mula alas otso ng gabi hanggang alas singko ng umaga.
Kaugnay nito, hinimok ni Mercado na agad ipagbigay alam sa mga kinauukulan o magtungo sa pinakamalapit na ospital kung makakaramdam ng sintomas na kahalintulad ng pandemic virus.