Tuguegarao City- Pinaghahandaan ngayon ng pamahalaang panlalawigan ng Kalinga ang posibleng maging epekto ng pananalasa ng bagyong Ambo sa naturang lalawigan.

Sa panayam kay Dionica Alyssa Mercado, tagapagsalita ng Kalinga Provincial Government, nagsagawa na sila ng pre-disaster assessment katuwang ang tanggapan ng mga disaster risk reduction management sa bawat LGU ng Kalinga.

Ito ay upang mapaghandaan ang magiging tugon ng mga otoridad lalo na sa mga landslide and flash flood prone areas.

Aniya, may mga sapat na kagamitan umano ang mga LGU at ibang mga concerned agencies sakaling may mga kailangang ayusin at ilikas na mga residente.

Sinabi pa ni Mercado na sapat naman ang bilang ng mga evacuation areas sakaling may mga ililikas habang iginiit pa nito na kanilang hihigpitan ang ipatutupad na social distancing bilang bahagi pa rin ng paglaban sa banta ng COVID-19.

-- ADVERTISEMENT --

Nakaalerto din aniya ang tanggapan ng PNP, BFP at AFP upang tumulong sa pagresponde at pangangalaga sa kapayapaan ng lugar.

Samantala, umapela naman ito sa publiko ng ibayong pag-iingat at pagsunod sa mga alituntunin upang makaiwas sa insidenteng dulot ng bagyong Ambo at ng COVID-19.