TUGUEGARAO CITY-Isinailalim sa sampung araw na partial lockdown ang Kalinga Provincial Hospital (KPH) matapos na magpositibo sa covid-19 ang isa nilang naging pasyente.
Batay sa pamunuan ng ospital, nagsimula ang partial lockdown ngayong araw, Enero 14 na magtatagal hanggang ika-24 ng kasalukuyang buwan.
Una rito, dinala sa KPH ang pasyente dahil sa iniindang chronic kidney disease na kalaunan ay inilipat sa Cagayan valley Medical Center (CVMC) dito sa lungsod ng Tuguegarao dahil sa lumalalang kondisyon.
Sumailalim ang pasyente ng swab test kung saan siya’y nagpositibo sa covid-19.
Dahil dito,pansamantalang isinara ang medicine department ng KPH kung saan pansamantalang hindi magsusuri ng pasyente at suspendido rin ang serbisyo ng outgoing department.
Pinayuhan naman ang mga magpapacheck-up na magpakunsulta pansamanta sa mga district at private Hospital habang nasa ilalim ng partial lockdown ang pagamutan.
Humingi naman ng paumanhin ang ospital dahil bahagi ito ng protocol para makontrol ang pagkalat ng virus
Sa kabila nito, tiniyak naman ng pamunuan ng pagamutan na prayoridad pa rin ang emergency cases.
Samantala, agad na nagsagawa ng contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng pasyente kung saan ipinadala sa Baguio General Hospital and medical Center ang mga nakolektang samples.