TUGUEGARAO CITY-Nagmistulang cake na nahati sa apat ang ilang kalsada sa bahagi ng Sta Praxedes dahil sa pagbagsak ng mga naglalakihang troso matapos ang naranasang pagbaha at landslide kasunod ng walang tigil na pag-ulan sa Cagayan.
Ayon kay Mayor Esterlina Aguinaldo ng Sta Praxedes, bumagsak ang mga troso sa mga kalsada mula sa bulubunduking bahagi ng nasabing bayan na sinabayan ng pagguho ng lupa na sanhi ng pagbitak nito.
Aniya,pahirapan ang kanilang hanay maging ang DPWH sa pagsasagawa ng clearing operation dahil hanggang sa ngayon ay nakakaranas pa rin ng pag-ulan.
Dahil dito, nananatiling sarado ang kalsada papunta at palabas ng Ilocos kung kaya’t kanyang pinayuhan ang mga nagbabalak na pumunta sa lugar na pansamantala munang ipagpaliban para hindi na dumagdag sa problema ng LGU-Sta Praxedes.
Pinayuhan na rin aniya ang Mayor ng Pagudpud, Ilocos Norte na huwag munang magpapasok ng anumang sasakyan na magtutungo sa Cagayan.
Sa ngayon, sinabi ni Aguinaldo na mayroong 72 na commuters ang nasa kanilang evacuation centers na papunta sana sa Ilocos Region.
Bukod dito,dalawang bahay ang naitalang naanod sa barangay Macatel at dalawang bahay din ang natabunan dahil sa landslide sa barangay San Miguel.
Wala namang naitalang casualties o nasaktan sa naturang pangyayari.