
Nagpahayag ng pagkabahala ang isang mambabatas sa umano’y pagdami ng mga grupong gumagamit ng social media at online platforms para sa “digital blackmail” at pangingikil.
Sa privilege speech ni Tingog Party-list Representative Jude Acidre, iginiit nito na dapat imbestigahan ang mga grupong nagpapanggap umanong media organizations o commentary pages upang takutin ang kanilang mga target kapalit ng pera.
Ayon kay Acidre, naaabuso umano ang pangalan ng journalism sa mga operasyon na may layuning kumita sa pamamagitan ng pananakot at pagbabanta ng paglalabas ng mga nakasisirang impormasyon.
Binigyang-diin din nito na hindi umano layunin ng panukalang imbestigasyon na patahimikin ang kritisismo laban sa gobyerno kundi upang matukoy ang pagkakaiba ng lehitimong pamamahayag at kriminal na gawain.
Lumutang ang usapin matapos maaresto ang founder ng isang Media Network at ilang iba pa sa entrapment operation kaugnay ng umano’y P300 milyong payoff kapalit ng hindi paglalabas ng video laban kay Leyte Representative Martin Romualdez.





