Inaprubahan ng Kamara de Representantes ang ilang panukalang batas na itinuturing na prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ginanap na espesyal na sesyon ng Kongreso.

Ayon kay House Speaker Bodjie Dy, natapos na ng Kamara ang pag-apruba sa walong panukalang binanggit ng Pangulo, kabilang ang Anti-Political Dynasty Act. Kabilang sa mga panukalang nasa bicameral conference committee na ang National Center for Geriatric Health, mga amyenda sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act, Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Act, at mga pagbabago sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Samantala, nakabinbin pa sa Senado ang mga panukalang magpapalawak ng feeding program para sa mga undernourished na estudyante sa high school at ang Presidential Merit Scholarship Program para sa mga natatanging senior high school graduates. Naipasa naman ng dalawang kapulungan ang Last Mile and Geographically Isolated and Disadvantaged Areas Schools Act na naglalayong mapabuti ang imprastraktura at akses sa edukasyon sa mga liblib na lugar.

Kaugnay nito, sinabi ni House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Representative Sandro Marcos na sadyang ginawang mas katanggap-tanggap ang bersyon ng Anti-Political Dynasty bill upang makakuha ng sapat na suporta sa Kamara. Samantala, tiniyak naman ni ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio na babantayan ng Makabayan bloc ang magiging bersyon ng Senado at ang pinal na panukalang ihaharap sa Pangulo.

Sa Senado naman, tinalakay ang iba pang panukala kabilang ang Magna Carta of Barangay Health Workers. Nanawagan din si Senador Bam Aquino ng imbestigasyon sa pagkamatay ng dalawang student-athletes ng Ateneo de Manila University, habang sinabi ni Senador Erwin Tulfo na hindi pa nararatipikahan ang AICS bill dahil sa pagtutol ng ilang miyembro ng Kamara sa ilang probisyon nito.

-- ADVERTISEMENT --