Magsasagawa ng imbestigasyon ang Kamara hinggil sa pamamahala ng pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) matapos madiskubre ang bilyon-bilyong pisong “labis” na pondo ng ahensya.
Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez sa publiko na ang imbestigasyon ay layong tiyakin na bawat pisong nasa kaban ng PhilHealth ay magagamit para sa kapakinabangan ng mga miyembro nito ang mga masisipag na Pilipinong patuloy na nag-aambag buwan-buwan.
Binanggit niya na kapag napatunayan ang “underutilization” ng pondo ng PhilHealth, o kung ang mga ito ay “higit pa sa kinakailangan para sa kasalukuyang operasyon,” magsusulong sila ng isang taon na suspensyon ng kontribusyon ng mga miyembro, pagbawas sa mga premium na kontribusyon, at pagpapalawak ng mga benepisyo hanggang sa marating ang “zero billing.”
Noong nakaraang linggo, sinabi ng mga miyembro ng House committee on good government and public accountability na bukod sa P60 bilyon na “labis” na pondo na ipinasok sa national treasury, mayroon pang bilyon-bilyong piso sa kaban ng PhilHealth bago magtapos ang 2024.
Ayon kay PhilHealth President at CEO Emmanuel Ledesma Jr., mayroon pa silang P150 bilyon na surplus, P281 bilyon sa reserves, at isang investment portfolio na malapit nang umabot sa P489 bilyon noong Oktubre.