
Nakahanda ang House of Representatives sa bicameral conference committee upang pag-isahin ang panukalang batas laban sa political dynasty kapag naaprubahan na ng Senado ang bersyon nito.
Ito ang inihayag ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.
Sinabi ni Adiong, naipasa na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 8389 o Anti-Political Dynasty Act noong Hunyo 3 sa botong 267 pabor, 20 ang hindi pabor na may pitong abstention.
Samantala, nakabinbin sa ikalawang pagbasa sa Senado ang Senate Bill No. 1901 na naglalayong limitahan ang sabay at sunod-sunod na paghawak ng ilang halal na posisyon ng mga magkakamag-anak.
Ang pahayag ni Adiong ay kasunod ng kautusan ng Supreme Court sa Kongreso na ipasa ang batas laban sa political dynasty sa pinakamaagang pagkakataon, 39 taon matapos itakda sa 1987 Constitution ang naturang mandato.




