Iginiit ng liderato ng House of Representatives ang kanilang commitment sa due process at legal rights ng protection detainees sa gitna ng mga akusasyon mula kay Vice President Sara Duterte ng iregularidad sa detention ng kanyang chief of staff na si Atty Zulieka Lopez.
Pinabulaanan ni House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Mannix Dalipe ang mga alegasyon na hindi pinahintulutan na magkaroon ng legal counsel si Lopez at inakusahan si Duterte na nagpapakalat ng walang katotohanan na mga paratang para sirain ang reputasyon ng Kamara.
Ipinunto ni Dalipe na si Duterte ang nagsilbing legal counsel ni Lopes, kasama si Atty Lito Go, na binigyan ng access sa kanilang pagpunta sa Kamara.
Ikinulong si Lopez sa custodial facility sa Kamara matapos na ma-cite for contempt sa imbestigasyon tungkol sa umano ay hindi tamang paggasta sa confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.
Pinabulaanan naman ni Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. ang pahayag ni Lopez, na kinumpiska ang kanyang telepono, at ipinaliwanag na boluntaryo na niya itong isinuko bilang bahagi ng security protocols.
Iginiit pa ni Gonzales na tinatrato ng patas ang lahat ng detainees sa ilalim ng kanilang mga patakaran.
Sinabi naman ni House Secretary General Reginald Velasco na pinapayagan ang mga detainees ng limitadong paggamit ng kanilang telepono bilang routine secutiy measures.
Samantala, inakusahan ni Delipe si Duterte ng pagharang ni sa personnel ng Kamara sa pagpapatupad ng kautusan na ilipat sa detention si Lopez, mula sa House custodial facility sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City.
Sinabi ni Dalipe na walang pagrespeto si Duterte sa rule of law dahil sa hindi pagsunod sa prosesong legal, sa halip ay nagsagawa ng press conference ng hatinggabi.
Ayon naman kay Assistant Majority Leader and Zambales Rep. Jefferson Khonghun na walang katotohanan ang pahayag ni Duterte na hindi agad tinugunan ang medikal na pangangailangan ni Lopez, kung saan naging mabilis ang tugon ng House personnel.
Iginiit niya na naging prayoridad ang kalusugan ni Lopez sa pamamagitan ng pagdadala sa kanya sa Veteran’s Memorial Medical Center.