
Tiniyak ng House of Representatives na suportado nila ang anumang espesyal na sesyon sa Senado na ipatatawag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang maresolba na rin ang umiiral na krisis sa liderato ng Senado.
Ito ang inihayag ni House Committee on Public Accounts Chair at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon.
Sinabi ni Ridon, obligado ang buong Kongreso na magpulong kapag nagpatawag ng special session ang Pangulo.
Paliwanag ni Ridon, mas kailangan ng Senado ang espesyal na sesyon dahil sa mga naantalang panukalang batas nitong mga nakaraang linggo bunsod ng hidwaan sa liderato.
Inaasahan din ni Ridon na ito ang magpapasya sa kung sino ang tunay na mamumuno sa mataas na kapulungan.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na sa pananaw ng Malakanyang at ng Kamara, si Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian ang kinikilala nilang kasalukuyang pinuno ng Senado.




