Hinimok ng prosekusyon mula sa Kamara de Representantes ang Senado na ituloy na ang paglilitis kay Bise Presidente Sara Duterte, sa gitna ng mga mabibigat na alegasyong isinampa laban sa kanya.

Pinangunahan ni 4Ps Rep. Marcelino Libanan ang prosecution panel na nagsabing ang sagot ni Duterte sa summons ng Senado—kung saan kinuwestiyon niya ang bisa ng impeachment complaint na inendorso ng 215 mambabatas noong Pebrero—ay batay umano sa mapanlinlang na pahayag at baseless procedural objections.

Ayon sa kanilang 37-pahinang tugon, dahil sa bigat ng mga paratang, hindi maaaring iwasan ang paglilitis gamit ang mga teknikalidad.

Kinakailangan ang paglilitis upang ipatupad ang hustisya, igalang ang prinsipyo ng demokrasya, at patunayan na walang sinuman—anuman ang katayuan—ang higit pa sa batas.

Dagdag pa ng panel, may karapatan ang sambayanang Pilipino na masaksihan ang prosesong ito.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi kailangan ng dahas at hayaang umusad ang paglilitis.

Nahaharap si Duterte sa mga kasong paglabag sa Konstitusyon, plunder, at pagtataksil sa tiwala ng bayan kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds.

Maaari siyang tanggalin sa puwesto at habambuhay na ipagbawal sa pampublikong serbisyo kung mapapatunayang nagkasala.