
Hiniling ng mga prosecutor sa South Korea ang death penalty para kay dating pangulong Yoon Suk Yeol sa kanyang ginawang deklarasyon ng martial law noong December 2024, na nagresulta ng kaguluhan sa kanilang bansa.
Lumikha ng political crisis ang anunsiyo niya na tapusin ang civilian rule noong December 2024 at nagpadala ng mga tropa sa parliament para ipatupad ito.
Subalit nabigo ang kanyang pagtatangka at siya ang naging kauna-unahang nakaupong pangulo na isinailalim sa kustodiya nang siya ay ikulong noong Enero ng 2025.
Nilitis si Yoon dahil sa insurrection, abuse of power at iba pang paglabag na may kaugnayan sa deklarasyon niya ng martial law, kung saan inabot ng halos 11 oras ang halos pagtatapos ng proceedings kahapon.
Sa closing remarks, inakusahan ng prosecutors si Yoon ng “ringleader” ng “insurrection” dahil sa pagiging sakim sa kapangyarihan na may layunin na manatili sa puwesto o diktadurya.
Inakusahan din si Yoon na walang pagsisisi sa kanyang ginawa na naging banta sa “constitutional order and democracy”.
Binigyang-diin ng prosecutors na ang mga biktima sa insurrection ay ang mga mamamayan ng South Korea.
Iginiit naman ni Yoon sa kanyang depensa na ipinatupad lamang niya ang kanyang lawful authority bilang pangulo.
Ayon sa kanya, hindi ito military dictatorship na supilin ang mga mamamayan, sa halip ay para matiyak ang pagprotekta sa kalayaan at soberenya, at mapanatili ang constitutional order.
Nakatakdang ibaba ng korte ang ruling sa kaso sa February 19, 2026.
Kung mapapatunayang guilty, si Yoon ang magiging pangatlong pangulo ng South Korea na mahahatulan dahil sa insurrection, kasama ang dalawang military leaders may kaugnayan sa 1979 coup.
Subalit kung sakaling mahatulan ng kamatayan si Yoon, malabo itong maipatupad dahil sa may unofficial moratorium ang South Korea sa pagbitay buhat noong 1997.










