May nakitang kamay ng tao ang mga mangingisda mula sa Barangay Calandagan sa bayan ng Araceli sa Palawan sa loob ng tiyan ng pating na kanilang nahuli kamakailan.
Ayon sa Palawan Police Provincial Office, nangingisda ang mga mangingisda sa 26 miles sa Calandagan malapit sa Canaron Island, gamit ang pamingwit, nang makahuli sila ng pating na may bigat na 20 kilograms.
Pagdating ng mga mangingisda sa dalampasigan, kinatay ng mga mangingisda ang pating para ibenta sa mga naghihintay na mga residente.
Habang kinakatay, may nahulog na kamay ng tao na nasa 12 pulgada ang haba mula sa tiyan ng pating.
Agad na inilibing ng mga mangingisda ang nasabing putol na kamay at ipinagbigay-alam ito sa mga awtoridad.
Nitong Pebrero 17, pumunta sa nasabing lugar ang mga personnel mula sa Araceli Municipal Police Station at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office para kunin ang nasabing kamay para sa fingerprinting at posibleng pagkakakilanlan.
Subalit hindi na sila nakakuha ng fingerprints sa kamay dahil sa naaagnas na ito.
Samantala, ipinaliwanag ng Sangguniang Barangay ng Calandagan na hindi nila agad isinapubliko ang insidente upang maiwasan ang kalituhan at para ipaubaya sa mga awtoridad ang pagtugon dito.
Idinagdag pa ng mga barangay officials na nagsagawa sila ng imbestigasyon, kinausap ang mga mangingisda na nakahuli sa pating, bago ipinarating ito sa mga kaukulang awtoridad para sa karagdagang imbestigasyon.