Isang pambihirang pangyayari ang naganap sa Taysan, Batangas matapos magsilang ng guya na may dalawang ulo ang alagang baka ng magsasakang si Tatay Resting Ramos.

Sa mahigit limang dekada niyang pag-aalaga ng baka, ngayon lang siya nakaengkwentro ng ganitong kaso na tinatawag na bicephaly o kambal na hindi lubusang nahati sa sinapupunan.

Ayon kay Tatay Resting, nahirapan sa panganganak ang kanyang inahing baka kaya’t humingi siya ng tulong sa Agricultural Officer ng bayan.

Laking gulat nila nang lumabas ang guya na may dalawang ulo.

Bagamat ginawa nila ang lahat upang maisalba ito, hindi rin nagtagal ang buhay ng kakaibang hayop at ito’y agad nilang inilibing.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaliwanag ni Dr. Romulo Bernardo, isang beterinaryo, na bihira ang ganitong kondisyon sa mga hayop sa Pilipinas.

Kabilang sa mga naitalang kaso ng kambal-ulong ay ang isang biik sa Ilocos Norte noong 2020 at kalabaw sa Zamboanga del Sur noong 2022—na parehong hindi rin nakaligtas.