
Hindi na isasama ng Department of Health ang mga road violators na masasangkot sa aksidente sa zero balance billing policy sa mga pampublikong ospital.
Ito ang inianunsiyo ni DOH Secretary Teodoro Herbosa kahapon.
Ginawa ni Herbosa ang pahayag sa ginanap na joint press conference sa Mandaluyong City kasama si Jean Todt, ang United Nations Secretary-General’s Special Envoy for Road Safety.
Ayon sa kalihim, ang mga tinaguriang “kamote riders” at iba pang motoristang pasaway ay hindi na pagkakalooban ng free hospitalization sa ilalim ng programa.
Wala pang binanggit si Herbosa na specific time kung kailan sisimulang ipatupad ang bagong patakaran.
Gayunpaman, sinabi niyang agad na itong ipararating ng DOH sa lahat ng ospital.
Paglilinaw pa ng kalihim, bagaman at hindi na kasama sa zero balance billing policy ang road violators, tatanggapin pa rin ang mga ito kapag isinugod sa mga ospital.
Nilinaw naman ni Herbosa na ang mga biktima ng road crash at road traffic injuries ay saklaw pa rin ng zero-balance billing policy kung hindi nila kasalanan.
Ang planong ito ng DOH ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng ahensiya sa road safety.
Nananatili ang mga aksidente sa daan sa pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino sa bansa.
Tinatayang nasa 12,000 Pilipino ang namamatay taun-taon sa road accidents.
Pinakamarami noong 2024 na umabot sa 37,000 deaths.
Umaasa si Herbosa na dahil sa patakarang ito ng DOH, mas magiging disiplinado ang mga motorista sa pagsunod sa mga batas trapiko.