Puspusan ang kampanya ng Kagawaran ng Kalusugan sa rehiyon upang mailapit sa komunidad ang vaccination program ng pamahalaan lalo na ang pagbibigay ng booster shots para sa karagdagang proteksyon ng publiko laban sa virus.

Ayon kay Jermaine Farrah Cepeda, Regional Vaccination Operation Center Manager ng DOH Region 2, sapat ngayon ang supply ng mga bakuna sa rehiyon kung saan sa huling inventory ng ahensya ay mayroon pang higit 1.7M doses ng mga bakuna para sa primary at booster dose.

Ayon sa kanya, sa pinakhuling datos ng ahensya ay nasa 85.87% na sa buong rehiyon ang nakatanggap ng 1st dose habang ang mga fully vaccinated naman ay nasa 77.93% at target nilang mapabaabot ito ng 80% hanggang sa buwan ng Hunyo.

Mula rito ay nasa 12.75% na katumbas ng 383, 315 pa lamang sa kabuuan ng populasyon sa rehiyon ang nakatanggap ng booster shot dahil sa paniniwala umano ng marami na sapat na ang primary doses na panglaban sa virus.

nakatutok ngayon ang mga healthcare workers sa pagsasagawa ng information drive upang maipaliwanag ang kahalagahan nito lalo na ngayong panahon ng eleksyon na hindi maiiwasan na makisalamuha sa iba’t ibang tao.

-- ADVERTISEMENT --

May mga Rural Health Units at Provincial Health Offices din aniyang naglulunsad ng Mobile Vaccination at ang iba ay nag babahay-bahay upang maihatid na sa mismong komunidad ang pagbabakuna sa mga residente.

Punto ni Cepeda na pinaiigting nila ngayon ang kanilang pagbabakuna lalo pa at may mga bakuna rin na nakatakdang mag-expire.

Kabilang pa rin sa mga pangunahing dahilan ng pagtanggi ng iba na magpabakuna ay ang personal reasons at religous beliefs.

Samantala, sa ngayon ay patuloy na rin ang pag-arangkada ng pediatric vaccination sa rehiyon dahil sa pagdating ng supply ng bakuna para sa mga kabataan kung saan nasa 38.40% na sa mga target population ang nakatanggap ng 1st dose habang 8.40% ang fully vaccinated.