Patuloy ang ginagawang hot pursuit operation ng militar sa mga remnants o natitirang mga miyembro ng Komiteng Rehiong Cagayan Valley na nakasagupa ng mga sundalo nitong araw ng Biyernes.

Sinabi ni Army Major Rigor Pamittan, bago ang operasyon ay natunton ng 502nd Infantry Brigade, Philippine Army ang pinagkukutaan ng rebeldeng grupo na kinabibilangan umano ng secretary ng grupo na si Alyas Karl at at iba pang hardcore na kadre ng grupo sa bulubunduking bahagi ng Sitio Lipi, Barangay Lapi, Peñablanca, Cagayan.

Ayon kay Pamittan, humiling sila ng air assets ng Philippine Air Force bago isinagawa ang operasyon sa nasabing lugar noong madaling araw ng nakaraang araw ng Biyernes dahil sa mga itinanim na mga improvised explosive device ng rebeldeng grupo na matagumpay na pinasabog ng mga operatiba.

Sinabi niya na wala namang nasugatan sa panig ng mga sundalo at inaalam pa kung may nasugatan o nasawi sa panig ng rebeldeng grupo.

Ayon pa sa kaniya, wala namang inilikas na mga residente sa lugar dahil malayo ang natukoy na kuta sa mga kabahayan.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ni Pamittan na walang tigil ang military para matugis at tuluyan nang mabuwag ang natitirang mga rebelde sa Cagayan na palipat-lipat ng lugar.