Umapela ang kampo ni Dr. Julieta Paras, OIC President ng Cagayan State University at director ng Commission on Higher Education o CHED Region 2 na agad na aksionan ng Civil Service Commission ang kanilang petisyon na kumukuestion sa validity ng appoinment ni CSU President Urdujah Alvarado sa kabila na wala siyang valid appointment paper.
Binigyan diin ni Paras na nais nilang makakuha ng karagdagang opinion mula sa CSC kung maaaring ipagpatuloy ni Alvarado ang kanyang trabaho sa CSU sa kabila na siya ay inaalis sa kanyang pwesto.
Iginiit ni Paras na batay sa CSC ruling, kailangang ang uupo bilang presidente ng isang State University ay may valid appointment paper mual sa CHED at hindi lang ang ipinaglalaban ni Alvarado na resolution mula sa Board of Regents.
Sinabi pa ni Paras na ang validity naman ng kanyang pag-upo bilang OIC ay sa bisa ng disignation mula sa Commission on Higher Education o CHED en banc.
Ayon sa kanya, ibinasura na ng Court of Appeals ang pagkuestion ng kampo ni Alvarado sa kanyang designation.
Sinabi niya na kailangan na maglabas agad ng desisyon and CSC sa kanilang sa petisyon upang agad na maresolba ang gusot ngayon sa CSU na nagdudulot na rin ng kalituhan sa mga empleado at mga estudyante ng unibersidad.
Kaugnay nito, sinabi ni Paras na magkakaroon ng malaking problema sa CSU kung sakali na hindi papabor sa kanila ang desisyon ng CSC.
Kasabay nito, inakusahan ni Paras ang kampo ni Alvarado ng harrassment at oppression sa mga empleado ng CSU na sumusuporta sa kanya bilang OIC.
Ayon sa kanya, tinanggal sa trabaho at designation at hindi na rin pinapayagan na gawin ng mga ito ang kanilang trabaho.
Inihalimbawa niya ang pagpaglock umano sa tanggapan at pagtanggal kay Atty. Joey Cauilan, bilang board secretary.
Sinang-ayunan naman ni Atty. Honorato Carag, chief administrative officer ng CSU ang naging pahayag ni Paras.
Ayon sa kanya, tiyak na magkakaroon ng problema lalo na sa mga nagsipagtapos ngayon sa CSU dahil ang pumirma sa kanilang mga diploma ay si Alvarado.
Gayonman, sinabi ni Carag na anoman ang magiging desisyon ng CSC ay hahanap pa rin ang unibersidad ng solusyon sa idudulot nito na problema o issue.
Gayonman, umaasa siya na papabor sa kanila ang magiging desisyon ng CSC para na rin sa kapakanan ng mga mag-aaral unibersidad.
Samantala, wala pa umanong natatanggap na sulat si Dr. Urdujah Alvarado, presidente ng Cagayan State Univesrity kaugnay sa inihaing petition ng kampo ni OIC Dr. Julieta Paras, director ng Commission on Higher Education o CHED Region 2 na kumukuestion sa validity ng kanyang appointment.
Gayonman, sinabi ni Alvarado na sasagutin niya ang nasabing petisyon ng kampo ni Paras sa sandaling may matatangap na siya mula sa CSC.
Subalit, iginiit ni Alvarado na mali ang iginigiit ng kampo ni Paras na wala siyang valid appointment dahil ang kanyang pinanghahawakan ay ang resolution mula sa Board of Regents.
Dahil dito, sinabi ni Alvarado na hindi siya kapit-tuko sa kanyang pwesto subalit hindi naman basta-basta aalis na walang dahilan o kung pagbabasehan ang mga pahayag ng kampo ni Paras.
Idinagdag pa niya na hindi rin niya matawag na OIC si Paras dahil kailangan na may confirmation mula sa Board of Regents ang pagtalaga sa kanya bilang OIC.
Gayonman, sinabi ni Alvarado na mas mainam na hintayin na lamang kung ano ang magiging desisyon ng korte kaugnay sa inihain nilang kaso laban sa ginawang hakbang ng kampo ni Paras.
Tiniyak niya na irerespeto niya kung anoman ang magiging desisyon ng korte.
Kasabay nito, mariing pinabulaanan ni Alvarado ang alegasyong harrassment ng kampo ni Paras sa mga empleado at mga opisyal ng CSU na hindi sumusuporta sa kanya.
Hinamon niya ang kampo ni Paras na magpakita ng mga dokumento sa kanilang alegasyon.
Nilinaw niya kung mayroon mang tinanggal o inilipat ng designation ay dahil sa hindi umano sila nagpe-perform.
Nagpaliwanag din siya kaugnay sa sinasabing tinanggal bilang board secretary si Atty. Joey Cauilan.
Ayon sa kanya, na hindi na umano nila ma-contact o hindi umano niya sinasagot ang kanilang mga tawag o text messages sa panahon na kailangan ang kanyang serbisyo.
Dahil dito, nagpasiya umano ang board na paimbestigahan si Cauilan at habang nakabinbin ang imbestigasyon ay inilagay ng board bilang OIC board secretary si Atty. Anastacia Aquino.
Pinabulaanan din niya na ipinadlock ang tanggapan ni Cauilan.
Samantala, inihayag ni Fr. Ranhilio Aquino, Vice President for Administration and Finance na ni-reaffirm ng mga miyembro ng Board of Regents sa kanilang 79th regular meeting nitong February 4, 2021 ang muling pagkatalaga ni Dr. Alvarado bilang presidente ng CSU mula taong 2020 hanggang 2024.