
Humiling ng pagpupulong ang kampo ni Senador Alan Peter Cayetano sa kampo ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian upang talakayin ang operasyon ng Senado at ang nalalapit na impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa liham ni Atty. Jose Luis Montales, Senate secretary ni Cayetano, kay Atty. Renato Bantug Jr., iminungkahi ang pagbuo ng pansamantalang administrative arrangements upang maiwasan ang magkasalungat na direktiba sa mga empleyado ng Senado at matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng kapulungan at ng Impeachment Court.
Ayon kay Montales, mahalagang maiwasan ang anumang administratibo, pinansyal, logistikal, o procedural na problema na maaaring magpalala sa umiiral na legal at politikal na usapin sa Senado.
Bilang bahagi ng mungkahi, nais ng kampo ni Cayetano na magpatupad ng dual-signatory o joint certification mechanism para sa mga voucher, tseke, disbursement, kontrata, personnel actions, at iba pang mahahalagang dokumento ng Senado.
Sa ilalim ng panukala, maaaring lagdaan ang mga dokumento ng mga opisyal na kasalukuyang gumaganap ng tungkulin at ng mga nag-aangking may kapangyarihan sa parehong posisyon.
Iginiit naman ng kampo ni Cayetano na hindi layunin ng mungkahing ito na kilalanin o patunayan ang awtoridad ng sinuman kundi tiyakin lamang ang tuloy-tuloy na operasyon ng Senado.
Matatandaang inihalal kamakailan ng dating minority bloc at ni Senador Francis “Chiz” Escudero si Senador Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at Acting Senate President matapos ang patuloy na hindi pagdalo ni Cayetano at iba pang miyembro ng majority bloc sa mga sesyon ng Senado.
Sa kabila nito, naninindigan si Senador Alan Peter Cayetano na siya pa rin ang Senate President, habang sinabi naman ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na bakante na ang naturang posisyon.




