Hiniling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa administrasyong Marcos na payagan itong makabalik sa Pilipinas kung papayagan ng International Criminal Court (ICC) ang kanyang interim release.
Ayon sa kanyang pangunahing abogado na si Atty. Nicholas Kaufman, humina na umano ang kalusugan ng dating pangulo kaya’t nahihirapan na itong makilahok sa mga proseso ng paglilitis.
Nasa kustodiya ng ICC si Duterte simula noong Marso, kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa kanyang kampanya kontra ilegal na droga.
Nitong Agosto, muling hiniling ng kanyang kampo ang pansamantalang paglaya at pananatili sa isang hindi pinangalanang bansa, habang nagpapatuloy ang mga legal na proseso.
Ipinagpaliban ng ICC ang nakatakdang pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso, na orihinal na itinakda sa Setyembre 23, matapos ihayag ng depensa na hindi na siya angkop para humarap sa paglilitis dahil sa kanyang kondisyon.
Nakabatay umano ang pagsusuring ito sa opinyon ng mga medical expert, kabilang ang isang hindi inirekomenda ng kanyang kampo.
Ipinahayag din ng kampo ni Duterte na ang lahat ng panig sa kaso—ang prosekusyon, depensa, at kinatawan ng mga biktima—ay sumang-ayon na kailangang resolbahin ng hukuman ang usapin ukol sa kanyang kakayahang humarap sa paglilitis.
Samantala, ipinahayag ng mga pamilya ng mga umano’y biktima ng giyera kontra droga ang kanilang pagkadismaya sa pagkaantala ng pagdinig.
Giit nila, may opsyon si Duterte na ipaubaya sa kanyang abogado ang pagdalo sa paglilitis upang mapanatili ang takbo ng proseso.