
Iginiit ng kampo ni Vice President Sara Duterte na masyado pang maaga upang sabihin kung sino ang lamang o dehado sa nagpapatuloy na impeachment trial sa Senado.
Ayon kay Atty. Michael Poa, isa sa mga abogado ni Duterte, hindi binibilang ng depensa ang mga panalo o pagkatalo sa bawat araw ng paglilitis dahil nasa unang testigo pa lamang ang pagdinig at ikalawang araw pa lamang ng trial.
Paliwanag ni Poa, nakatuon ang kanilang kampo sa maayos na paglalahad ng kanilang depensa at hindi sa paghusga kung sino ang may kalamangan sa bawat yugto ng paglilitis.
Ito ay matapos sabihin ng House prosecution panel na positibo ang naging takbo ng kanilang presentasyon ng ebidensya.
Samantala, sinabi rin ni Poa na naging maayos at mahinahon ang takbo ng impeachment proceedings sa nakalipas na dalawang araw.
Hindi rin umano layunin ni Vice President Duterte na manakot nang bumisita ito sa Senado kundi upang makipagpulong lamang sa kanyang legal team.
Sa ikalawang araw ng paglilitis, tinalakay ng impeachment court ang Article IV ng Articles of Impeachment na may kaugnayan sa umano’y assassination plot, grave threats, at inciting to sedition laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pang opisyal ng pamahalaan.









