Naglabas muli ng abiso ang Phivolcs, matapos tumaas na naman ang sulfur dioxide gas flux sa Kanlaon Volcano.
Ang emisyon ng sulfur dioxide (SO2) mula sa summit crater ng Kanlaon ay batay sa mga Flyspec measurements ngayong araw, ika-2 ng Hulyo 2024.
Umabot ito sa average na 5,083 tonelada kada araw.
Ito ang pangalawang pinakamataas na emisyon mula sa bulkan na naitala ngayong taon at ang pangatlo mula nang magsimula ang instrumental gas monitoring.
Bago ang pagputok noong ika-3 ng Hunyo 2024, ang Kanlaon ay naglalabas ng mas mataas na konsentrasyon ng volcanic sulfur dioxide gas sa average na 1,273 tonelada kada araw, ngunit simula noon ay lalo itong tumaas sa kasalukuyang average na 3,254 tonelada kada araw.
Bukod dito, patuloy ang volcanic earthquake activity sa average na 10 events kada araw mula nang sumabog ang bulkan.