Ibinunyag ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na hiniling niya sa Department of Justice na kanselahin ang passport ni resigned Congressman Elizaldy Co.

Ayon kay Dy, agad niyang tinawagan si noo’y Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nang matanggap nila ang resignation letter ni Co upang ipakansela ang passport nito sa gitna ng imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa infrastructure projects na iniuugnay sa mambabatas.

Nakipag-ugnayan aniya sila sa DOJ upang ihirit na kung maaari ay malimita ang galaw ni Co.

Ipinaliwanag din ng Speaker na bagama’t ang Department of Foreign Affairs ang may authority na magkansela ng mga passport, humingi lang ng tulong ang Kamara sa DOJ dahil ito ang may sakop sa Bureau of Immigration at maaaring mapabilis ang coordination process.

Ang pangako umano noon ni Remulla ay gagawa sila ng pinakamabilis na paraan para makansela ang passport.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Dy, nakatanggap siya ng mga ulat na nasa Europa na ngayon si Co ngunit ang huling liham na kanilang natanggap bago mag-resign ay nagpapagamot siya sa Estados Unidos base na rin sa travel clearance.