
Pinagtibay ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang ruling na nagkakansela sa registration ng Duterte Youth party-list.
Sa resolusyon, ibinasura ng Comelec en banc sa botong 5-1-1 ang motion for reconsideration na inihain ng nasabing party-list.
Gayunpaman, nilinaw ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia na hindi pa final and executory ang desisyon ng Comelec en banc dahil puwede pa itong iapela sa Korte Suprema.
Matatandaan na kinansela ng Comelec Second Division ang registration ng party-list base sa petisyon na inihain noong 2019 ng youth leaders, kung saan hiniling na ipawalang-bisa ang registration status ng party-list dahil sa kakulangan sa publication at pagdinig sa accreditation nito, na isa sa requirement ng Comelec.
Pumangalawa ang nasabing party-list sa 2025 midterm elections, na nakakuha ng kabuuang 2,338,564 votes.
Subalit, sinuspindi ang proklamaasyon nito dahil sa nakabinbin na kaso sa Comelec.