TUGUEGARAO CITY-Ipinasara ng National Bureau of Investigation (NBI) Region 2 ang tanggapan ng Kapa-Community Ministry International Bagabag, Nueva Vizcaya matapos isilbi ang search warrant kasunod ng mga alegasyon na sangkot ito sa investment scam
Una naring ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga otoridad na arestuhin ang mga opisyal ng korporasyon dahil sa ginagawang panlilinlang sa mga mamamayan.
Sa naging panayam kay Regional Director Gelacio Bongngat ng NBI-Region 2,nasa isang libong miembro na ng KAPA sa rehiyon mula nang magbukas ito noong buwan ng Pebrero ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Bongngat, nalilinlang ang publiko sa pamamagitan ng paghikayat ng KAPA sa mga gustong mamuhunan kung saan mayroon umano itong monthly interest rate na 30 percent.
Ngunit,pinapalabas umano ng KAPA na ito’y donasyon at ang 30 percent na sinasabing tubo ay isa na lamang “blessing” kapag mayroong binalik.
Aniya, malinaw umano itong panlilinlang kung kaya’t ito ang naging basehan ng kanilang tanggapan para kumuha ng search warrant.
Nabatid na ang ilan sa mga investors ng KAPA sa rehiyon ay mula sa Aparri,Isabela, Quirino at maging sa Ifugao kung saan libo-libong pera narin ang kanilang naihulog.
Kaugnay nito, sinabi ni Bongngat na walang nadatnan ang kanilang team na mga tauhan ng KAPA at tanging ang mga dokumento lamang ang kanilang nakita.
Umaasa naman ang opisyal na mapapanagot ang sinumang nasa likod ng KAPA investment scam sa lalong madaling panahon.