TUGUEGARAO CITY- Nagsasagawa ngayon ng imbestigasyon ang pulisya sa pagkakakilanlan ng ina na nagtapon ng sanggol sa basurahan sa Tabuk City, Kalinga.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Police Col. Davy Vicente Limmong, provincial director ng PNP Kalinga na natagpuan ng mga barangay officials na nagsasagawa ng clean-up drive ang wala ng buhay na kakapanganak na lalakeng sanggol sa isang basurahan sa gilid ng kalsada sa Brgy. Laya East, Tabuk City kaninang umaga.
Ayon kay Limmong, nahulog ang sanggol sa drainage canal ng itinaas ang sako na inakalang naglalaman ng basura ng mga nagsasagawa ng paglilinis.
Inilagay umano sa isang kulay pula na supot bago isinilid sa sako ang sanggol na tinatayang nasa dalawang araw na naipanganak dahil sa bagong putol ang kaniyang umbilical cord.
Inihayag ni Limmong na batay sa kuwento ng isa sa mga nakadiskubre na si Brgy. Kagawad Wilson Culalong na mayroon siyang nakitang babae na nakasuot ng bathrobe sa nasabing lugar nitong gabi ng Enero 19 bago natagpuan ang bangkay ng sanggol kaninang umaga.
Hindi naman umano namukhaan ng opisyal ang babae dahil madilim sa lugar.
Inaalam pa ng PNP kung buhay o patay na nang itinapon ang sanggol sa basurahan.
Hinala ng mga otoridad na mula din sa nasabing lugar ang nagtapon ng nasabing sanggol na agad ding inilibing matapos alayan ng dasal.