Binigyang-diin ni President Ferdinand Marcos Jr. sa paggunita ng ika-83 Araw ng Kagitingan sa Dambana ng Kagitingan sa Mount Samat, Bataan na ang nag-iisang solusyon sa armadong tunggalian ay kapayapaan.
Ayon sa kanya, ito ay hindi makakamit ng isang bansa o tao lamang—kinakailangan ang sama-samang pagkilos ng lahat ng sangkot na panig upang makamit ang marangal na kapayapaan.
Ipinaalala rin ng Pangulo na ang kapayapaang tinatamasa ngayon ay bunga ng dugo at sakripisyo ng mga bayaning lumaban noong World War II.
Aniya, dapat matuto mula sa mapait na karanasan ng digmaan at maunawaan na ang sagot sa digmaan ay hindi panibagong digmaan, kundi kapayapaan.
Ipinahayag rin ng Pangulo ang panghihinayang na marami pa ring bansa ang tila hindi natututo sa mga aral ng kasaysayan, ngunit umaasa siyang darating ang araw na kapayapaan ay mararanasan din ng lahat.
Bukod sa talumpati, pinangunahan rin ni Pangulong Marcos ang wreath-laying ceremony at nanood ng mga bagong eksibit sa Mt. Samat National Shrine Underground Museum, na itinayo sa ilalim ng Colonnade at unang pinasinayaan noong 1970 ng kanyang yumaong ama, dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.