
Hinuli ang kapitan ng isang Chinese fishing boat matapos tumangging magpa-inspeksyon at nagtangka pa umanong tumakas mula sa mga awtoridad na nakita sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Japan sa may Nagasaki Prefecture nitong Huwebes, Pebrero 12.
Kinilala ang kapitan bilang si Qian Nianli, isang 47-anyos na Chinese national, na may kasama na 10 iba pang tripulante sa nasabing fishing boat.
Nahaharap si Nianli sa paglabag sa Fisheries Sovereignty Act ng Japan.
Ito ang unang beses mula noong 2022 na muling nanghuli ang gobyerno ng Japan ng barko ng China, na siyang inaasahang magpapainit ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Lalong naging malala diumano ang sitwasyon dahil binalaan na dati ng Japan ang China na handa silang gumamit ng military force sakaling lusubin ng China ang Taiwan.









