TUGUEGARAO CITY- Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Law at illegal possession of explosives ang isang punong barangay matapos mahuli dahil sa mga umanoy nakumpiskang hindi lisensyadong matataas na kalibre ng baril, mga bala at granada sa kanyang tahanan sa bayan ng Enrile, Cagayan.

Sa bisa ng search warrant, sinabi ni P/Col. Renell Sabaldica, director ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) na narekober sa hindi muna pinangalanang suspek ang isang unit ng M14 Rifle, isang shotgun, tatlong Rifle grenade, tatlong homemade shotgun at mga bala.

Samantala, naaresto rin sa magkakahiwalay na operasyon laban sa loose firearms ang anim pang suspek sa lalawigan.

Ayon kay Sabaldica, dalawang indibidwal ang nahuli sa bayan ng Sta Teresita, at tig-isa sa Ballesteros at Gattaran dahil sa pag-iingat ng mga bala ng baril habang isa rin ang nahuli sa Solana matapos masamsam ang isang cal. 45 na baril at bala na walang serial number.

Bahagi ng operasyon ng pulisya ang pinaigting na kampanya laban sa loose firearms para maiwas na magamit sa krimen sa probinsya at bilang paghahanda para sa 2022 National Elections.

-- ADVERTISEMENT --

Paalala ni Sabaldica sa mga nagmamay-ari ng baril na iparehistro na ang mga ito at kumuha ng mga permit sa pagdadala nito bago abutan ng gun ban o maaari rin na pansamantalang i-surrender sa pulisya.