Sinabi ni private prosecutor Lorna Kapunan na may kabuluhan ang pag-iingat ng House prosecution panel sa desisyong hindi na iharap bilang witness si dating senador Antonio Trillanes IV sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Kapunan, sapat na umano ang mga ebidensiyang naiharap ng prosekusyon kaya minabuti nitong maging maingat sa pagpili ng mga testigo.

Una nang sinabi ni lead prosecutor Gerville Luistro na pinal na ang desisyon ng prosecution panel na hindi iharap si Trillanes. Kalaunan, sinabi naman ni Trillanes na siya mismo ang humiling na alisin ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga testigo.

Kabilang sa mga binanggit ni Kapunan na ebidensiya ang umano’y hindi pagdeklara sa SALN ng ilang ari-arian at interes sa negosyo, kabilang ang P6-milyong property sa Matina, Davao City at P3-milyong property sa Samal Island na nakapangalan sa asawa ni Sara Duterte na si Manases Carpio.