
Iginiit ni impeachment trial private prosecutor Lorna Kapunan na nakadaragdag umano si Vice President Sara Duterte sa umiiral na kultura ng karahasan sa bansa sa halip na makatulong sa paglutas nito.
Pahayag ito ni Kapunan kasunod ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University na ikinasawi ng dalawang estudyante, kabilang ang 14-anyos na suspek.
Ayon kay Kapunan, hindi niya sinasabing may pananagutan si Duterte sa insidente, ngunit binanggit niya ang mga nauna umanong pahayag ng bise presidente tungkol sa pagkuha ng hitman at pagbabanta sa ilang opisyal ng gobyerno.
Sinabi ni Kapunan na hindi umano magandang halimbawa para sa kabataan ang paggamit ng karahasan bilang paraan sa pagharap sa mga kaaway o problema, lalo na mula sa isang mataas na opisyal ng pamahalaan.
Giit pa niya, isa umano ito sa mga dahilan kung bakit kabilang sa impeachment complaint laban kay Duterte ang alegasyon ng betrayal of public trust, kabilang ang umano’y pagsusulong ng karahasan.
Samantala, kabilang sa mga alegasyon sa impeachment case laban sa bise presidente ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, unexplained wealth, hindi tamang deklarasyon ng SALN, hindi pag-divest sa mga business interest, pagbibigay ng monetary gifts sa mga opisyal ng DepEd, at pagbabanta laban sa Pangulo, First Lady at dating House Speaker Martin Romualdez.




