Pabor ang karamihan ng mga senador sa majority bloc sa panukalang ilipat sa hapon ang mga pagdinig sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte simula Setyembre, ayon kay Senator Panfilo Lacson.

Ayon kay Lacson, iminungkahi ng mga senator-judge na isagawa ang regular legislative session mula alas-10 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon, bago simulan ang impeachment trial alas-2:30 ng hapon hanggang alas-7:30 ng gabi o higit pa kung kinakailangan.

Pormal na tatalakayin ang panukala sa caucus ng mga senador sa susunod na linggo, kung saan kokonsultahin din ang minority bloc. Posibleng ipahayag ang bagong iskedyul sa Agosto 26.

Sinabi ni Lacson na hindi niya inaasahang matatapos ang impeachment trial bago matapos ang Disyembre dahil hindi pa natatapos ng prosecution ang paglalahad ng ebidensiya sa ikalawang artikulo ng impeachment. Susunod pa rito ang paglalahad ng depensa.

Samantala, sinabi ng defense team ni Vice President Sara Duterte na handa silang sumunod sa anumang iskedyul na itatakda ng impeachment court.

-- ADVERTISEMENT --