TUGUEGARAO CITY-Hindi pa handang magkolehiyo ang karamihan sa mga nagsipagtapos sa K-12 program base sa resulta ng isang pag-aaral na isinagawa ng Cagayan State University at Commision and Higher Education (CHED).

Nasa 7,384 na K-12 graduates na pumasok sa CSU noong 2019 ang sumailalim sa College Readiness of Filipino K-12 Graduates Study sa pamamagitan ng K-12 Research Program ng CHED.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. Antonio Tamayao, proffessor at research team leader na malaki ang porsyento ng mga sumailalim sa pagsusulit ang hindi pa handa sa kolehiyo na katumbas ng 4,556 o 61.7%.

Habang nasa 2,828 o 38.3% lamang ang mga handa nang pumasok sa kolehiyo.

Lumabas din sa pag-aaral na masyadong mababa ang nakuhang marka ng mga estudyante sa Mathematics at Science, ngunit mataas naman sa asignaturang Filipino at English.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Tamayao na hindi na ito nasorpresa dahil hindi nagkakalayo ang nakuhang mababang resulta ng naturang pag-aaral sa mababang puntos na nakuha ng mga Pilipinong mag-aaral sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) at sa National Achievement Test na isinasagawa ng Department of Education.

Dr. Antonio Tamayao

Dahil dito, ilan sa mga inirekomenda ng grupo sa DepEd ang pagbabawas sa mga extra-curricular activities at ilaan ang oras para sa pagtuturo ng mga estudyante.

Ang pananaliksik ay nagpapakita rin ng isyu ng “out-of-field” na pagtuturo o ang ideya na hindi kwalipikado ang isang guro na magturo sa isang paksa dahil taliwas ito sa kanyang kaalaman o asignatura.

Mahalaga din aniya ang pagkakaroon ng school science laboratory sa Senior High School upang maranasan ng mga mag-aaral sa tunay na buhay ang karanasang eksperimento.

Kabilang pa sa iminungkahi ng grupo upang maiangat ang kalidad ng edukasyon ay ang pagsasagawa ng High School readiness study and test; career guidance program para sa Junior at Senior High School; at ang pakikipagtulungan ng Education Committee ng bawat lokal na pamahalaan.

Kasabay nito, umaasa ang grupo na magsisilbing gabay ang nakalap nilang datos upang magtulungan ang DEPED at private institutions para masolusyon ang bumababang kalidad ng edukasyon sa buong bansa.

Dr. Antonio Tamayao

Sinabi naman ni Prof. Rudolf Vecaldo, miyembro ng research team na kanilang sinuri ang kahandaan ng mga estudyante na pumasok sa kolehiyo sa pamamagitan ng college readiness test na kauna-unahan sa buong bansa.

Lumalabas din sa pag-aaral na ang mga estudyanteng nakakuha ng mataas na puntos sa College Admission Test ng CSU ang siya ring nakakuha ng mataas na marka sa college readiness test at vice versa.

Prof. Rudolf Vecaldo

Samantala, posible aniyang gamitin sa mga state colleges sa buong bansa ang ginamit na assesment tool sa pahintulot ng CHED.