Kinumpiska ng mga awtoridad ang mga iligal na pinutol na mga punong-kahoy at mga mga karne ng hinuling wildlife sa kagubatan ng Baggao, Cagayan.
Una rito, nadiskubre ng Baggao Police Station sa pamumuno ni PLTCOL NORIEL U LACANGAN, Officer-in-Charge, katuwang ang 204th RMFB2, 1st CPMFC, at CENRO-Alcala sa isinagawang anti-illegal logging operation ang mga pira-pirasong Kamagong, Yakal, at Banyakaw.
Habang isinasagawa ang pagkumpiska sa mga nasabing kahoy, may dumating na isang puting van, na minaneho ng kinilala sa pangalang alyas Bating, magsasaka at residente sa nasabing bayan.
Nang lapitan siya ng isang operatiba ng Baggao PNP upang kausapin, bigla siyang bumaba sa sasakyan at mabilis na tumakbo patungo sa kagubatan.
Dahil dito, sinuri ang iniwan niyang sasakyan at nakita ang ilang troso na G. Melina, at isang sako na naglalaman ng mga karne ng mga hinuling mga hayop na wild cato musang at unggoy.
Ang nakumpiskang troso ay may kabuuang 641 board feet na may tinatayang halagang P53,960.
Ang sasakyan at mga iligal na troso ay pansamantalang dinala sa himpilan ng Baggao PS, habang ang nakumpiskang wildlife meat ay ipinasuri sa isang beterinaryo para sa tamang disposisyon.
Sa kasalukuyan, patuloy ang hot pursuit operation ng mga awtoridad upang mahuli ang tumakas na suspek.
Ang lugar ng insidente ay tinatayang 56 kilometro ang layo mula sa himpilan ng pulisya.
Ang insidenteng ito ay malinaw na paglabag sa Presidential Decree No. 705 (Revised Forestry Code of the Philippines) at Republic Act No. 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act).
Muling pinaalalahanan ng mga otoridad ang publiko na sumunod sa batas upang maprotektahan ang ating likas na yaman.