Nagkaroon ng amicable at compromise agreement ang pamilya at driver ng boom truck na nakasagasa sa isang karpintero na nagresulta sa kanyang pagkamatay sa Barangay Logac, Lallo, Cagayan.

Sinabi ni PCMS Rizal Clemente, imbestigador ng PNP Lallo na may kasamang abogado nang pag-usapan ang kasunduan sa kanilang himpilan.

Ayon kay Clemente, pumayag ang asawa ng biktima na Judy Miguel, 62 anyos, karpintero at residente ng Brgy. Cabayabasan na magbayad ng P150,000 ang driver ng boom truck na si Mark John Corpuz, 29 anyos, residente ng San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Sinabi ni Clemente na nagbigay na ng paunang bayad na P50,000 si Corpuz at nangako na babayaran niya ang P100,000 sa sandaling mailabas na ang insurance ng sasakyan.

Ayon sa kanya, sa compromise agreement, itutuloy ang kaso laban kay Corpuz kung hindi niya babayaran ang nasabing halaga.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, sinabi ni Clemente na sa kanilang imbestigasyon, mabilis umano ang takbo ng motorsiklo ng biktima nang papunta siya sa national highway mula sa barangay road kaya hindi napansin ang paparating na boom truck.

Dahil dito, nawalan ng kontrol sa manibela ang biktima, kung saan nasagi niya ang nakaparadang kuliglig na dahilan ng kanyang pagkakatumba.

Sa pagkakatumba ng biktima ay nasagasaan siya ng boom truck sa kanyang ulo na dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.

Nabatid pa mula kay Clemente na hindi suot ng biktima ang kanyang helmet nang mangyari ang insidente.