TUGUEGARAO CITY- Inihain na ang kasong murder laban sa isang barangay tanod na bumaril-patay sa isang karpintero sa Lallo, Cagayan.
Sinabi ni PMaj. Ramon Macarubbo, hepe ng PNP Lallo, sa kanilang imbestigasyon, nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan ang biktima na si Michael Corpuz ng Dabbac Grande, Baggao at ang suspek na si Mariano Bañaga ng Brngy. San Mariano, barangay tanod nang pilit na buksan ng biktima at isang kwarto ng rest house sa lugar.
Inilabas umano ng tanod ang kanyang baril at dito na sila nagkaroon umano ng agawan sa armas hanggang sa maputukan si Corpuz.
Nagtamo ng isang tama ng baril sa kanyang dibdib ang biktima na dahilan ng kanyang pagkamatay.
Nakuha sa crime scene ang limang basyo ng 9mm pistol.
Samantala, sinabi ni Macarubbo na huli ang isang karpintero na residente rin ng Baggao dahil sa pag-iingat ng iligal na baril.
Sinabi niya na kinapkapan nila si Elizeo Azero matapos na mapansin ng mga pulis na kahinahinala ang kanyang kilos.
Sa ibang banda, sinabi ni Macarubbo na sa ngayon ay umaabot na sa 194 na chainsaw ang isinuko sa kanilang himpilan.
Ayon sa kanya, madadagdagan pa ito dahil sa marami pa silang ipinapasuko na mga chainsaw na walang kaukulang permit.