
Nasawi ang isang 70-anyos na kasambahay matapos umanong paulit-ulit na pukpukin ng electric grinder sa ulo sa loob ng bahay na kanyang tinutuluyan sa Barangay San Isidro, Taytay, Rizal.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, ang suspek ay dating tagapag-alaga ng nasabing bahay at may utang umano sa biktima.
Nag-alok pa ang biktima ng trabaho sa suspek ngunit nauwi ito sa pagtatalo hanggang sa mangyari ang karumal-dumal na krimen.
Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay dahil sa hemorrhagic shock.
Sa follow-up operation, nadakip ng mga awtoridad ang suspek sa bahay ng kanyang anak sa Rodriguez, Rizal matapos ituro ng sariling asawa ang kinaroroonan nito.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong homicide at kasalukuyang nakakulong sa custodial facility ng Taytay Police.










