Hanggang ngayon ay hindi pa rin halos matanggap ni Lenie Joy Julian na wala na ang kanyang kasintahan na si Private Rosendo Gannaban ng Enrile, Cagayan.

Sinabi ni Julian na noong nakita niya sa kanilang group chat ang ipinadala na larawan ng kasintahan ay sinabi niya sa kanyang sarili na buhay siya at nasugatan lang hanggang sa kumpirmahin sa kanya na siya y namatay sa labanan sa Maguindanao Del Sur.

Sa kuwento ni Julian, palaging sinasabi ni Gannaban na gusto niyang maging sundalo maging sa kanyang mga magulang.

Ayon sa kanya, nagtapos si Gannaban ng BS Criminology sa isang unibersidad dito sa lungsod ng Tuguegarao, kumuha ng board exam subalit nabigo na makapasa.

Kumuha din siya ng entrance exam sa Philippine Navy, subalit hindi siya pinalad.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Julian na habang nagtatrabaho silang dalawa sa Maynila ay may natanggap siyang mensahe sa kanyang cellphone para sa entrance exam ng Philippine Army sa Gamu, Isabela.

Ayon sa kanya, bagamat ayaw niyang mag-sundalo ang kanyang kasintahan ay itinulak niya ito na kumuha ng pagsusulit dahil iyon ang kanyang pangarap.

Hanggang sa nag-resign na siya sa kanyang trabaho sa factory sa Valenzuela at naging striker sa Gamu, Isabela hanggang sa sumailalim na rin siya sa pagsasanay.

Walong taon nang magkasintahan sina Julian at Gannaban.

Samatala, naiuwi na ang mga labi ni Gannaban sa Brgy.Divisoria, Enrile kahapon.

Namatay si Gannaban nang tamaan ng maraming bala ng baril sa pakikipaglaban sa nasa 20 miyembro ng Dawla Islamiya terrorist group noong July 22 habang sila ay nagsasagawa ng military checkpoint operation.