Natuklasan ng Department of Justice (DOJ) ang prima facie evidence na may sapat na batayan para sampahan ng kaso si negosyanteng Charlie “Atong” Ang at 24 pang indibidwal kaugnay ng pagdukot at pagkamatay ng ilang sabungero mula 2021 hanggang 2022.

Inirekomenda ng DOJ ang paghahain ng 10 bilang ng kidnapping with homicide at 16 na bilang ng kidnapping with serious illegal detention laban sa mga respondent.

Kabilang sa mga kakasuhan ang ilang opisyal at tauhan ng pulisya, gayundin ang ilang sibilyan na umano’y sangkot sa serye ng pagdukot.

Kabilang sa mga pinangalanang isasakdal sa kidnapping with homicide sina Police Lieutenant Colonel Ryan Jay Orapa, ilang ranggong opisyal ng pulisya, at mga sibilyang sinasabing sangkot sa operasyon.

May hiwalay na listahan din ng mga indibidwal na inirekomenda para sa kidnapping with serious illegal detention, kabilang ang ilang pulis at hindi pa natutukoy na kasapi ng grupo ni Orapa.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, ibinasura nang walang prejudice ang mga kaso laban sa ibang respondent dahil sa kakulangan ng direktang ebidensiya, ngunit maaari pa itong muling isampa kapag may lumitaw pang bagong impormasyon.

Lumabas sa imbestigasyon na itinuturo ng dating security chief sa ilang pasugalan ni Ang na si Julie “Dondon” Patidongan ang grupo ni Ang sa serye ng pagdukot, kung saan sinasabing higit 100 katao ang napatay matapos mawala.

Nauna nang naghain ng reklamo ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungero laban kay Ang at dose-dosenang iba pa para sa multiple murder at serious illegal detention.

Samantala, ibinasura noong Oktubre ng City Prosecutor ng Mandaluyong ang extortion case na inihain ni Ang laban kina Patidongan at isang whistleblower dahil sa kakulangan ng detalyeng paktuwal at ebidensya.