Sinampahan ng Ombudsman ng mga kasong katiwalian at maling paggamit ng pondo ang dating Ako-Bicol party-list representative na si Zaldy Co, ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Region IV-B, at mga direktor ng Sunwest Corporation.

Inihain ang mga kaso sa Sandiganbayan ngayong Martes bilang tugon sa umano’y iregularidad sa P289 milyong flood control project sa Oriental Mindoro — ang unang kasong kriminal na umabot sa korte mula sa kontrobersiyang unang binanggit ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo.

Ayon sa imbestigasyon ng mga piskal, ang flood control project na pinondohan sa ilalim ng 2024 budget ng DPWH ay hindi lamang umano substandard kundi itinuturing ding hindi umiiral.

Ang proyekto ay nakapokus sa paggawa ng isang road dike sa kahabaan ng Mag-Asawang Tubig River sa Naujan, Oriental Mindoro, na pinondohan ng P289 milyon at ipinatupad sa pamamagitan ng Sunwest Inc., kumpanyang may ugnayan umano sa pamilya Co.

Napatunayan din ng Independent Commission for Infrastructure na mahigit P63 milyon ang nalugi sa gobyerno dahil sa materyales at gawaing hindi tumutugma sa itinakdang pamantayan.

-- ADVERTISEMENT --