Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nasa final stage na ang paghahain ng kaso laban sa 12 hanggang 15 kongresistang umano’y sangkot sa anomalya sa mga flood control project.

Aabot umano sa 200 indibidwal ang iniimbestigahan, kabilang ang 67 tinaguriang “Cong-tractors” o mga mambabatas na direktang sangkot sa mga kontrata ng proyekto.

Ang mga ito ay bahagi ng mas malawak na imbestigasyong isinagawa matapos lumabas ang mga ulat ng katiwalian simula noong Setyembre.

Bukod sa mga kasong kinakaharap ng mga mambabatas, isinusulong din ng bagong talagang Ombudsman ang reporma sa access sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga opisyal ng gobyerno.

Balak nitong ibalik ang transparency sa pamamagitan ng paglalabas ng SALNs ng mga matataas na opisyal, kabilang sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Pangulong Marcos, at Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

-- ADVERTISEMENT --

Nakasaad sa plano na maaaring ma-access ang mga SALN simula pa noong 2016, sa ilalim ng bagong guidelines.

Plano rin ng Ombudsman na gamitin ang publiko bilang katuwang sa lifestyle checks sa pamamagitan ng crowdsourcing ng impormasyon.

Gayunpaman, ipapatupad ang mas maayos na proseso ng paghingi ng SALN, kung saan kailangang may malinaw na layunin ang mga humihiling, tulad ng para sa investigative journalism.

May posibilidad din ng pag-redact ng ilang sensitibong impormasyon upang mapangalagaan ang privacy ng mga opisyal habang isinusulong ang transparency.