Tuguegarao City- Patuloy ang pagbaba ng naitatalang kaso ng animal bite sa Cagayan ngayong 2020 kumpara sa nagdaang mga taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Shamon de Yro, Rabies Coordinator ng Cagayan, sa nakalipas na buwan ng Enero at Pebrero ngayong taon ay nakapagtala lamang ng mahigit 400 kaso ng animal bite ang Cagayan Animal Bite and Treatment Center.
Kung ikukumpara sa datos sa mga nakalipas na taon ay malaki ang pagbaba nito dahil sa taong 2019 ay nasa mahigit 1,000 ang naitalang kaso ng mga pasyenteng nakagat ng mga alagang hayop.
Ayon kay de Yro, kadalasan umanong dumarami ang kaso ng animal bite tuwing summer season dahil maraming bata ang nagbabakasyon mula sa mga eskwelahan.
Nilinaw nito na ang mga may malalalim na sugat sa mataas na bahagi ng katawan ang kadalasang binabakunahan dahil malaki ang posibilidad na umakyat agad ang virus sa utak ng pasyente at nagiging sanhi ng pagkamatay.
Inihayag naman nito na nakapagtala ang naturang tanggapan ng 2 fatality rate dahil hindi nagpabakuna ng anti-rabies ang mga biktima.
Samantala, tiniyak nito na mayroong sapat at libreng bakuna ang mga Animal Bite Center sa Cagayan para sa mga pasyenteng nakakagat ng alagang hayop.