Nakapagtala ang Department of Agriculture (DA) Region 2 ng kaso ng Antrax sa bayan ng Sto. Nino, Cagayan.

Ang anthrax ay isang mapanganib na sakit na dulot ng isang uri ng bacteria na tinatawag na Bacillus Anthracis na maaaring tumama sa mga alagang baka, kalabaw, kambing, tupa, kabayo, baboy, aso, pusa at iba pang mga wild herbivores.

Batay sa pag-aaral ay kabilang sa mga senyales ng nasabing sakit kung tumama sa mga alagang hayop ay ang biglaang pagkamatay, hirap sa paghinga, lagnat, seizures, sakit sa puso, pagdurugo at postmortem lesions at pinangangambahan na maaaring mailipat ang impeksyon na dulot ng anthrax sa tao sa pamamagitan ng cutaneous contact, indigestion at inhalation.

Ang mga senyales nito ay ang paltos o bukol na nangangati, skin sore sa mukha, leeg, braso at mga kamay, lagnat, panginginig, pagkahilo, sakit ng ulo, pananakit ng katawan, sore throat, pamamaga ng leeg, pananakit ng tiyan, pagsusuka, diarrhea at iba pa ang mga sintomas ng human infection.

Batay sa isinagawaang pagsusuri ng mga kaukulang ahensya, sinabi ng DA Region 2 na apat na kalabaw ang naitalang namatay sa Brgy. Calassitan, Sto. Niño matapos makitaan ng sintomas ng anthrax at nasa 73 katao na mula sa nasabing barangay din ang na exposed at sa nasabing bilang ay may 22 ang nakitaan ng sugat sa kanilang balat kayat agad na-isolate at isinailalim sa pagsusuri.

-- ADVERTISEMENT --

December 16 nang lumabas ang resulta ng pagsusuri sa mga namatay na kalabaw at positibo ang mga ito sa nasabing sakit at nabatid pa na dalawang kalabaw naman ang kinatay at naibenta pa ng may-ari na umabot haggang sa bahagi ng Brgy. Annafatan, Amulung.

Samantala, maiiwasan ang anthrax sa pamamagitan ng vaccination at agarang pag-dispose sa mga namatay na hayop sa pamamagitan ng pagsunog o paglibing sa malalim na hukay habang malulunasan naman ang sakit sa pamamagitan ng agarang medical intervention at paggamit ng antibiotics na may gabay ng mga doctor.