Tuguegarao City- Kinumpirma ng Tuguegarao City Health Office (CHO) ang pagbaba ng naitatalang kaso ng dengue sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. James Guzman, City Health Officer, hindi umano aabot sa 50 cases ang naitala ng naturang tanggapan ngayong taon.

Aniya, mababa na ito kumpara noong 2019 na nakapagtala ang CHO ng nasa mahigit 800 na kaso ng dengue habang 13 naman ang nasawi.

Bagamat napapanahon aniya ang novel coronavirus ay dapat ding pagtuunan ng pansin ang sakit na dengue dahil marami din ang namamatay dito.

Sa datos ay madalas umanong natatamaan ng sakit na dengue ang mga kabataan mula sa edad 4 hanggang 25.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Dr. Guzman na pangunahin sa mga tinututukan na may naitatalang kaso ng Dengue ay ang mga barangay ng Ugac Norte, Ugac Sur, San Gabriel, Cataggaman Nuevo, Balzain, Tanza, Caggay, Bagay at Carig Sur.

Paalala ni Dr. Guzman ay huwag magpanic sa banta ng coronavirus at dengue sa halip ay panatilihin ang kalinisan sa katawan at kumain ng masusustansya upang makaiwas sa mga sakit.